Replektibong Sanaysay

Ang Landas ng Manunubos

ni Kenneth Cruz

       Karaniwang sagot ng mga bata sa tanong na “Ano ang gusto mo paglaki?” ay ang maging doktor, at kung tatanungin pa kung bakit, ang kanilang sagot ay: “upang makatulong at magamot ang mga may sakit.” Sa ating pagtanda, nagbabago ang ating pananaw ukol sa landas na nais nating tahakin sa hinaharap. Ang iba ay pinipiling maging inhinyero, karamihan ay gustong magtrabaho sa barko o di kaya’y maging abogado. Ngunit, kapansin-pansin din na ang rason sa pagpili ng landas na ito ay nagbabago. Pumipili tayo ng trabahong may malaking kita o di kaya’y maraming benepisyo. Sa kabilang banda, nakaliligtaan natin ang isa sa mga pinakamahalagang aspeto ng pagsisilbi, at ito ay ang pagiging propesyonal para sa kapwa at sariling bayan.

       Habang pinapanood ang maikling bidyo tungkol sa mga doktor sa baryo, pumasok sa aking isipan na sa panahon ngayon, masyadong pinapatrona ng mga tao ang salapi at kapangyarihan. Hindi ko maikakaila na ako, bilang estudyante, ay nabibihag din ng mga luhong ito sa paraan na hindi ko nababatid, lalong lalo na ng mga maliliit na bagay. Naisip ko rin na tila baligtad ang ating paglaki, dahil sa ating pagtanda ay nakalilimutan natin ang tunay na esensiya ng paghihirap at pagsisilbi na isa sa mga konseptong tinatalakay sa mababang paaralan. Noon, nakatatak pa sa ating isipan na tayo ay nag-aaral at magtatrabaho sa hinaharap upang makatulong sa ating mga kapwa. Ngunit, unti-unti itong nabura sa paglipas ng mga taon at ang kasalukuyan nating perspektibo ng pagiging matagumpay ay ang pagiging makapangyarihan at pagkita ng malaking salapi. Kung aalalahanin natin ng mabuti, ang tagumpay ay nakabase hindi sa mga materyal na bagay kundi sa bilang ng mga ngiting ating nabubuo at pasasalamat na natatanggap.

     Mabigat para sa ating ang pagsasakripisyo ngunit, kung ating susuriin ang pinagdaanan ng ating Tagapagligtas sa Krus, maituturing itong maliit lamang. Tumatak sana sa ating mga isipan na responsibilidad nating ipagpatuloy ang landas ng manunubos.


 

Pagtanaw Hinggil sa Layon ng Buhay

ni Jean Mendoza

Lahat tayo ay nabubuhay sa mundo habang nagbibigay ng pagpapakahulugan sa iba’t ibang bagay, lalo na sa ating sarili. Isang paraan ng pagpapakahulugan ay ang pagtukoy sa ating mga interes at nais maging o gawin sa ating buhay.

Pagkasilang pa lamang natin sa mundo, minsan nga ay nasa sinapupunan pa lamang, marami nang nabubuong mga pangarap ang ating mga magulang para sa atin. Sa paglipas ng panahon, marami tayong matututunan sa buhay na siyang huhulma sa kung ano tayo sa kasalukuyan. Isa sa mga leksyong ito ay ang pagkatuto na mangarap ng mataas at magsipag upang makamit ito, sapagkat ito ang magiging tulay patungo sa matagumpay at maginhawang buhay. Ang ilan pa nga sa atin ay tinakot ng mga nakatatanda na kung hindi daw mag-aaral nang mabuti ay walang mararating at maghihirap sa paglipas ng panahon.

Sa pagmodernisa ng buhay sa kasalukuyang henerasyon, makikitang mas nabibigyang halaga ang mga pansariling kabutihan kaysa sa kabutihan ng mga kapwa. Ang katangiang ito ay angat sa pagtuturo ngayon sa mga kabataan na mangarap. Imbes na mangarap upang makatulong sa kapwa at mapaunlad ang sariling bayan, mangarap ka upang guminhawa ang iyong buhay. Kaya naman hindi rin natin masisisi ang mga kababayang nating mas malaki pa ang naiiambag sa ibang bansa kaysa dito sa atin dahil mas pinipili nilang maging OFW sapagkat iba na nga ang mindset ng modernong Pilipinas. Ngunit, sa tulong ng maikling bidyo na aming pinanonood ay nalaman ko at ikinagalak na mayroon parin tayong mga kababayan na mas pinipiling manatili dito sa ating bayan tulad ng mga doktor sa baryo.

Dahil sa bidyo, natutunan kong ang tanging paraan upang pasalamatan ang ating bayan na humubog sa ating mga pagkatao ay sa pamamagitan ng paglilingkod dito. Napagtanto ko rin na tama nga na magpursigi upang mabuhay nang maginhawa. Ngunit, hindi ito nangangahulugang mabuhay ng malambot ang palad, mag may-ari ng mga magagarang kotse kundi mamuhay ng may ginhawa sa puso dahil nakatutulong ka sa iyong mga kapwa lalo na sa mga nangangailangan.


Tunay na Kahulugan ng Pagdodoktor

ni Kassandra Duran

Ang maikling bidyo ay tungkol sa mga iilang doktor na piniling maging ”barrio doctors”. Isiniwalat ng video kung anu-ano ang mga karanasan nila kabilang na ang paglalakad nila sa mga mababatong kalsada upang makarating sa kanilang mga destinasayon at ang sakripisyo ng pagiging malayo nila mula sa kani-kanilang mga pamilya. Bukod pa rito, ipinakita rin ang lagay ng bawat isa sa mga liblib na lugar tulad ng mga malalayong probinsya.

Lubos akong natulungan ng video sapagkat dahil dito, nalaman kong mali ang aking layunin sa pagdodoktor. Marami ang nagsasabing ito ay isang elite professionsapagkat, ito raw ay pang-matalino at pang-mayaman. Nakakahiya mang aminin ngunit, isa ito sa mga dahilan kung bakit nais kong magtapos ng medisina. Gusto kong tingalain at hangaan ng nakararami. Buti na lamang at nasaksihan ko ngayon ang bidyo. Napagtanto ko na ang pagdodoktor ay isang elite professiondahil sila ang mga piling tao na binigyan ng kakayahan na gumamot ng mga pasyente. Sila ang mga taong handang maglingkod sa iba at mabahiran ng dugo maligtas lamang ang kanilang mga kapwa. Mula ngayon ay isasaisip ko ang pagninilay na ito nang sagayo’y magtagumpay ako sa aking pangarap.

Ayon nga sa bidyo, “they receive more than the tangible. They receive salvation.” Ang linyang ito ay sapat na upang maging motibasyon at gabay sa iba pang mga naglalayong maging tulad ng mga doctor sa bidyo.


Paghatid ng Kaunlaran sa Liblib

ni Anton John Supe

Kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ay ang mga serbisyong pangkalusugan, kaya kasabay ng pag-unlad ng ating lipunan, ay ang pagkakaroon ng mga inobasyon upang pabutihin pa ang mga serbisyong ito. Sa kasamaang palad, mayroong mga hindi nakasasabay sa ating pag-unlad, kaya may mga hindi nakararanas ng mga maayos na serbisyong pangkalusugan at sila ay ang mga taga-barrio.

May mga barrio na madaling marating at mayroong mga nasa liblib na lokasyon naman. Maaaring liblib sila dahil walang maayos na daan at tulay o di kaya’y kailangan mo pang umakyat ng bundok upang marating ang lugar na iyon. Ito na rin siguro ang dahilan kung bakit ang pag-unlad ay hindi nakararating sa kanila. Kung sila man ay magkasakit, lumalapit na lamang sila sa mga lokal na manggagamot at ang tanging ibinibigay sa kanila ay mga halamang gamot na walang kasiguraduhan kung talagang epektibo ba. Tinitiis na lamang nila ang ganitong sistema, kaysa tahakin ang mahaba at delikadong paglalakbay papunta sa siyudad.

Ang sagot sa suliraning ito ay makikita sa katauhan ng mga “barrio doctors”. Sila ay maituturing hulog ng langit sapagkat alintana sa kanila ang hirap na kanilang mararanasan at mga sakripisyong kailangan nilang gawin makatulong lamang sa kanilang mga kapwa. Masasabi kong sila ang karapat-dapat hangaan, dahil, dahil sa kanila nararanasan ng mga taga-barrio ang kanilang karapatan sa pagkakaroon ng serbisyong pangkalusugan.


The Doc is Out: Bayani sa Bario

ni Andrea Tancio

Hindi lahat ng bayani ay binabaril sa Bagumbayan, hindi lahat ay mayroong ekstraordinayong kapangyarihan, ang iba ay mga ordinaryong tao lang ngunit kayang sagipin ang buhay mo.

Mataas ang respeto ko sa mga doktor o manggagamot. Halos o higit pa sa sampung taon ang kanilang iginugugol bago makapagtapos sa programang medisina. Hindi rin maikakaila na nangangailangan ng malaking halaga ng pera ang kanilang matrikula upang makapasok sa piniling kurso. Bakit mo nga naman mamadaliin at titipirin ang pag-aaral kung pagsagip ng buhay ang pinaguusapan? Pero ang mas nakabibilib at nakapupukaw atensyon ay ang mga doktor na pinipiling tumungo sa mga lugar na hindi naabot ng mga modernong teknolohiya at medisina.

Mula sa baku-bakong daan, patungo sa bawat tahanan, hindi nila alintana ang init, lamig, gutom at pagod na kanilang nararamdaman mapuntahan lamang ang mga mamamayan na nangangailangan ng tulong. Sa halip na indahin ang hirap na dinaranas, pisikal man o emosyonal, pinipili nilang hindi ipakita ito sa mga taong dumaranas ng mga karamdaman na kailangan nilang magamot. Hindi pera o kahit ano mang materyal na bagay ang nais nilang kapalit dahil buhay, puso at prinsipyo ang kanilang iniaalay. Hindi mabibilang ang sakripisyong kanilang ibinubuhos upang masagip ang buhay ng nakararami.

Saludo ako sainyo at sa bokasyon na inyong napili. Hindi madaling maging doktor at lalong hindi madaling maging doctor sa isang baryong tila pinagkakaitan at inilayo sa mundong puno ng pribilehiyo. At dahil idolo ko kayo, tatahakin ko rin ang daan kahit na ito’y di patag, kahit na pinagkaitan ng yaman, kahit na ako’y mapagod, mauhaw at magutom. Tatahakin ko ang daan na tinahak ng mga manggagamot na walang ibang ginusto kundi masagip ang buhay ng mga tao.

Hindi lahat ng bayani ay makikita sa Bagumbayan, hindi lahat ay nagpapakamartir at hindi lahat ay binabaril. Ang iba ay mga ordinaryong tao, sumasagip ng mga buhay kahit sa malalayong baryo.


“Barrio Doctors”

ni Lehcar Cambe

Sa kasalukuyang panahon marami ang kumukuha ng kursong medisina. Ako ay isa sa mga estudyanteng nangangarap maging isang propesyonal na dentista. Nangangarap tayo na magkaroon ng magandang hinaharap sa kukuhanin nating kurso, magkasuweldo ng malaki o higit kaunti sa sapat upang maging “stable” ang ating pamumuhay, at lalong-lalo na sa pinansyal na pangangailangan.

Sa panahon natin ngayon hindi tayo mabubuhay kung walang pera, sapagka’t ito na ang pangunahing pangangailangan ng bawat isa. Nagiging mataas lang naman ang ating mga pangarap dahil sa paghahangad natin ng magkaroon ng magandang buhay at magandang trabaho, pero kung ang pagiging makabayan ang pinag-uusapan, talo tayo; kung mayroon ba tayong ipinapakitang dignidad o integridad pagdating sa ating propesyon o kursong ginampanan, wala rin tayo. Paano naman ang ating mga mamamayan na walang sapat na pera para magpagamot o magpa-checkup? Kung ating iisipin ang isang check-up ay kasing halaga na ng isang linggong pagtustos sa pang araw-araw na pangangailangan at gastusin.

Noong napanood ko ang maikling palabas na ipinakita ng aming guro, naipakita nito ang sinseridad at debosyon ng mga doktor sa kanilang propesyon. Naglaan sila ng panahon para mag “medical mission” sa mga taong may karamdaman; naipakita nila ang kanilang pagmamahal sa mga maysakit sa pamamagitan ng paggamot ng libre. Sa totoo lang, ako ay namangha sa kanilang ginawa, dahil sa panahon ngayon bihira nalang ang mga doktor na gumagawa ng ganon. Marami silang ginagawang sakripisyo at pagtitiis, ngunit ginagampanan parin nila ang kanilang responsibilidad bilang isang propesyonal sa lipunan at sa Pilipinas. Sila ang tunay na nagbibigay ng serbisyo sa mamamayan. Para sa akin, isa silang inspirasyon sa nakararami dahil sa kanilang kakaibang kakayahan pagdating sa kanilang trabaho. Dahil sa napanood kong ito, nabuksan ang aking isipan na may mga bagay na dapat akong gampanan para sa kapwa at hindi lamang sa pansariling kaunlaran, at dapat rin itong maging serbisyo para sa lahat at isaalang-alang ang ikauunlad ng iba. Bagama’t naghahangad ako ng magandang kinabukasan, trabaho, at buhay ay palagi pa rin magiging bukas ang aking mga palad para sa mga nangangailangan sa kakahayan ng isang taong katulad ko.

Hindi ako magiging saradong tao; magiging tapat ako sa aking trabaho at gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang mabigyan ko ng serbisyo ang mamamayan na hindi kaya ang sariling gastusin sa paggagamot. Hindi dapat laging pera ang iniisip at pinoproblema ng isang tao dahil naniniwala ako na kapag gumawa ka ng taos-pusong kabutihan para sa iba ay susuklian ka ng Diyos ng kakaibang kayamanan.


Sakripisyo Para sa Bayan

ni Glenson Altares

Bilang isang estudyante, nagsisikap tayo na makapagtapos ng pag-aaral para makamit natin ang ating mga pangarap na maging mga propesyonal sa kanya-kanyang mga larangan sa buhay. Ngunit mayroong isang katanungan sa aking isipan na patungkol sa isyung ito, “Bakit nga ba ito ang pinangarap natin; dahil lang ba sa pansariling kapakanan o dahil gusto nating maglingkod sa ating kapwa?”

Kung sa pansariling kapakanan lamang ang habol natin, hindi ba’y nawawala na ang tunay na saysay kung bakit pa nagkaroon ng ganitong mga propesyon? (hal. doktor, inhinyero, arkitekto, nurse, atbp.) Kaya lang ba nagkaroon ng mga doktor ay para kumita o makabili ng ano mang materyal na bagay na inaasam? Hindi ba dapat kaya nating ipinili ang propesyong ito ay dahil gusto natin tumulong sa ating kapwa, at para sa ikauunlad ng ating lipunan?

Tulad ng naipakita sa bidyo, pinili nilang magsakripisyo para sa kapwa kaysa umunlad ang buhay nila; mas pinili nilang gampanan ang tungkulin nila bilang isang doktor para makatulong sa mga taong lubos na nangangailangan. At ang kapalit nito’y hindi pera o kung ano mang materyal na bagay dahil ang natatanggap nila ay bagay na hindi nabibili o nahahawakan-iyon ang pagmamahal ng mga taong inalagaan nila.

Nawa’y kapulutan natin ang aral na ito na hindi kailanmang maipagpapalit sa ano mang bagay ang kaligayahan, kaligtasan, at pagmamahal ng isang tao. Uunlad ang ating lipunan kapag ang ating layunin bilang isang propesyonal ay hindi dahil sa gusto nating kumita o yumaman, ngunit dahil sa paghangad natin na makatulong nang taos-puso sa kapwa.


Barrio, barrio

ni Aaron Aranzanso

         “More than the tangibles” isa ito sa mga napulot kong kasabihan sa palabas na “Barrio Doctors.” Ipinakita roon ang kalagayan ng mga munisipalidad sa Pilipinas at ang kakulangan ng mga doktor sa mahigit dalawang-daang barrio. Ngunit may mga ilang doctor ang nagsakripisyo para magtaguyod ng libreng serbisyo para sa mga kababayang hindi pa nagpapagamot sa isang propesyonal na doktor, at sila ang tinatawag na “Barrio Doctors”.

         Nagbibigay inspirasyon ang palabas, sapagka’t ipinakita nila na ang pagbibigay ng libreng serbisyo sa mga nangangailangan ay makakapagbigay ng saya, at ang saya na makikita sa kanilang mga mata ay mas mahalaga kaysa sa halaga ng mga materyal na bagay; bilang mga tao, tayo ay dapat magtulungan at magbigayan. Naniniwala ako na ako’y magiging isang tanyag na propesyonal sa aking hinaharap. Isa sa mga una kong gagawin ay magbahagi ng biyaya sa mga taong kulang sa opurtunidad. Pagkatapos kong napanood ang palabas, naging mas matatag ang aking paniniwala at nagkaroon ng determinasyon sa aking kukunin na propesyon. Naantig ang aking damdamin at isipan, na sa abot ng aking makakaya ay tutulong ako sa mga nangangailangan nang anumang oras na walang hinihintay na kapalit.

         “Barrio Doctors,” isang palabas na aking masasabi na nakapagbigay talaga ng inspirasyon sa mga taong nais tumulong sa kapwa. Sa huli, tayong mga Pilipino lang din ang makakapagpabago ng kalagayan ng mga baryo kung magkakaroon ng pagmamalasakit sa bawat isa. Hindi na kakailanganin ang martir na doktor, sapagka’t magkakaroon ng kaayusan sa bawat ospital. Saludo ako sa mga barrio doktors at sana magkaroon pa ng mga taong katulad nila sa mundong ito.


Pasyon para sa Napiling Propesyon

ni Reign Cirineo

Ang bawat tao ay may kanya -kanyang pangarap sa buhay. Mga pangarap na nais makamit upang magsilbing daan patungo sa mabuting hinaharap o kung hindi man ay magsilbing daan upang maisabuhay ang pagmamahal sa kanyang pasyon. Mga pangarap na maaaring makaapekto hindi lang sa buhay ng iisang indibidwal kundi pati narin sa ibang tao.

Mula sa maikling bidyo na pinamagatang “Barrio Doctors,” aking naintindihan na sa buhay pa lang ng isang tao, hindi masamang mag-laan ng oras at talento upang makatulong sa iba. Ang galing at talino ay hindi pansarili lamang at ang isang indibidwal ay uunlad at magiging mahusay sa isang bagay nang sagayon ay magamit niya ito upang maipamahagi ang kaniyang serbisyo. Lubos akong namangha sa mga “Barrio Doctors,” napakamaraming oportunidad ang maaari nilang makamit, pero sa halip na gamitin nila ang kanilang talento para sa pansariling benepisyo lamang, ay sinikap nilang iabot ang kanilang mga kamay sa mga nangangailangan ng walang kapalit. Sa puntong ito ako ay nahimasmasan, na bilang isang mag-aaral na nangangarap na maging isang doktor, na makakamit mo lamang ang tunay na kahulugan ng iyong propesyon kung matutunan mong tanggapin na ang buhay ay hindi umiikot sa mga materyal na bagay lamang. Ang tunay na kasiyahan ay makakamit mo lamang kung patuloy mong iisipin at patuloy kang mag ninilay kung bakit mo nga ba ginagawa ang iyong trabaho, at sa pagninilay na ito ay maintindihan mo na hindi tayo nabubuhay para sa sarili lamang dahil tayo ay nabubuhay upang magbigay buhay rin sa iba.

Bilang pangwawakas, gusto kong bigyan diin ang linyang ”…the rewards that they will get won’t be tangible, but salvation..” Ang mga materyal na bagay na makukuha natin ay mananatiling pansamantalang kasiyahan lamang dahil ang tunay na kahalagahan ng ating propesyon ay makamit lamang kung hahayaan nating gabayan ng puso ang isip. Ang tunay na kakontentuhan sa mundo ay makakamit lamang kung matututo tayong magbahagi sa iba. Kaya kagaya ng mga “barrio doctors,” gusto kong bumalik sa katanungang “Bakit at para kanino nga ba ang pagsisikap na aking ginagawa?”


Munting Barrio

ni Angelika Tangonan

Ako’y estudyante pa lamang na wala pang kasiguraduhan sa gustong tahakin na propesyon sa susunod na mga taon, ngunit ako’y naakit ng maikling bidyo. Ako’y naakit sa pamamaraang naramdaman ko ang gustong ipahatid nito sa mga manunuod. Sa totoo lang, noong ako’y maliit pa lamang, ginusto kong maging isang doktor dahil inisip ko na marami akong makukuha na pera rito, ngunit habang tumatagal, nag-iba ang aking pananaw na kung saan mas marami na akong naintindihan sa ating lipunan.

Napakalaking oportunidad ang makapagtapos ng pag-aaral dahil pagkatapos nito magkakaroon tayo ng magandang trabaho. Noong napanood ko ito, mas nadagdagan pa ang aking hangad na maging isang doktor dahil sa panahon ngayon nagkukulang na ang bansang Pilipinas ng mga doktor sa mga ospital, maging sa mga kagamitang pangmedisina ay nagkukulang na rin tayo. Mas naintindihan ko ang sitwasyon ng bawat Pilipino dahil sa kahirapan. Paano na lamang kung ang isang tao ay mayroong sakit at wala silang perang pambayad sa pagpapakonsulta sa doktor? Pati na rin sa pagbili ng gamot? Sa bidyo na ito, mayroong mga “Volunteer Doctors”na mas piniling pumunta sa mga malalayong lugar o tinatawag na mga baryo na kung saan walang mga sapat na pasilidad kagaya ng mga paaralan, ospital, mga bilihan at iba pa. Kung iisipin natin, nag-aaral ang isang tao ng medisina upang maging doktor, ngunit mangilan-ngilan lamang sa atin ang nakakaalam ng tunay na depinisyon ng pagiging doktor, ito ay ang pagtulong sa mga taong nangangailangan at mabigyang solusyon ang mga sakit na noon pa hinahanapan ng lunas.

Ang mga “Barrio Doctors” ay maituturing na mga bayani dahil hindi lamang sila nakakatulong sa mga kapwa, taos-puso nilang binibigay ang kanilang panahon na kung saan nandoon ang sakripisyo dahil mas pinili nilang makatulong at maglingkod sa kapwa ng walang kapalit kaysa manilbihan sa maayos at disenteng lugar at makakuha ng mga malalaking pera.

“It’s all about the people they serve.” Ito ang mas tumatak sa aking isipan. Dahil sa kanilang mga ginagawa, ito ay bukas sa kanilang mga puso. Siguro nga’y iba talaga sa pakiramdam kapag nakakatulong tayo sa ibang tao. Maliit man o malaki ang kapalit basta’t makatulong lang sila sa nangangailangan. Ang pagpapahalaga sa buhay ng bawat isa ay magsisilbing daan sa kaunlaran ng ating lipunan. Kapag sama-sama tayo sa paggawa ng kabutihan samundo, sabay-sabay tayong makakabuo ng isang samahang pampamilya.

.

One thought on “Replektibong Sanaysay

Leave a comment