Larawang Sanaysay

“Ang mga Mag-aaral ng UST Senior High School (UST-SHS) sa loob at labas ng BGPOP”

ni Trisha Capulong

trisha 1

Credits: Thomasian Welcome Walk 2016 Album from the Facebook page of University of Santo Tomas

Kasabay ng maligayang pagsalubong sa mga bagong mag-aaral noong Thomasian Welcome Walk ay ang pagtanggap nila sa lahat ng mga responsibilidad na kanilang haharapin bilang isang mahabagin, maaasahan, at tapat na Tomasino.

trisha 2

Hindi nagtagal matapos ang pagpasok ng mga mag-aaral sa Arch of the Centuries, nagsimula na ang pormal na klase. Tuloy-tuloy ang mga gawaing ibinibigay – PeTas, pagsasanay, pananaliksik, atbp. – bilang paghahanda sa kolehiyo na tunay ngang nagbigay ng pagsubok sa kanila.

trisha 3

Dahil sa mga aktibidad na ipinapagawa, nagkakaroon ng magandang pagsasama ang bawat klase na binubuo ng mga mag-aaral na may iba’t ibang pinanggalingan, ugali, pananaw, at talento.

trisha 4

Hindi lamang sa silid-aralan natututo ang mga mag-aaral, mayroon ding mga kaganapan sa labas ng kanilang mga kweba. Nagkaroon ng senior high school week na pinaghandaan ng lahat kahit binigyan lamang ng kaunting oras. Dito nagkaroon ng tagisan ng mga natatagong talento.

trisha 5

Nag-imbita rin ng mga propesyonal sa iba’t-ibang larangan upang magbahagi ng kanilang kaalaman sa mga mag-aaral.

trisha 6

Bukod sa pagpapahusay sa mga katalinuhan ng Senior High School, tinuturuan din sila kung paano magkaroon ng teamwork, kung paano makipagkaibigan, at magpakumbaba. Kitang-kita ito sa pagdiriwang ng Senior High School ng kanilang Intramurals na pinamagatang Synergy. Nagkaroon ng oportunidad ang mga Tomasino na ilabas ang kanilang angking galing sa larangan ng pampalakasan.

trisha 7

Lahat ng mga katuturan sa silid-aralan, at lahat ng mga pangyayaring nagaganap sa kanila sa labas ng kanilang gusali, o mas kilala na BGPOP, ay ilan lamang sa mga humuhubog sa kanila upang maging handa sa labas ng unibersidad. Mapapansing malayo man sa pagiging perpekto ang UST-SHS, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang bumuo ng Tomasinong hindi lamang hasa ang utak, kundi malaki rin ang puso para sa iba.


“Mga Nawawalang Ngiti”

Gawa ni: Sophia Necor

1

Tirik ang araw at hindi pa man natatapos ang maghapon, bakas na sa mukha ng mga taong nasa lansangan ang lungkot at pagod. Isang tingin pa lang ay alam mo nang may pasanin sa kanilang buhay. Maaring dulot ng walang lamang sikmura o ‘di kaya ay pamomoroblema kung papaano iraraos ang isang araw.

2
Kung ano ang tunay na dahilan sa likod ng mga mukhang ito ay sila lamang mismo ang nakakaalam. Ngunit malinaw na sila ay may hinaharap na pagsubok. Tila pagtulog na lamang ang nagiging daan nila upang makalimot at makatakas sa mga problema pansamantala.

3

Ngunit ang panaginip ay natatapos din. Oras na magising ka ay babalik ka muli sa realidad. Kailangan mo ulit harapin ang mga hamon ng buhay, magbunga man ito ng pagod o pagkabigo.

4

Kung ano ang tunay na dahilan sa likod ng mga mukhang ito ay sila lamang mismo ang nakakaalam. Ngunit malinaw na sila ay may hinaharap na pagsubok. Tila pagtulog na lamang ang nagiging daan nila upang makalimot sa mga problema pansamantala.


“SYRIA: Anim na Taong Pagdanak ng Dugo”

ni: Mavic Ching

1

Hindi ito ang Syria na nakagisnan na nating makita sa mga larawan at bidyo sa balita. Ito ay tila isang pangarap, isang panaginip na kinalimutan. Nakapagtataka, paano nagunaw ang dating mapayapang bansa?

2

Nagsimula ang madugong digmaan sa bayolenteng pagreposponde ng mga awtoridad sa mga kabataang nagpinta ng mga rebolusyonaryong slogan sa mga pader ng paaralan.

3

Lumala ang galit ng madla sa gobyerno, at dumami ang mga rebelde. Kalauna’y gumagamit na ng armas ang mga rebelde, at sila’y kinalaban ng gobyerno. Ito na ang umpisa ng madugo at madilim na digmaan.

4

Hindi nagtagal ay isang-daang sibilyan ang namatay, particular sa Damascus, dahil sa kemikal na ikinakalat: hini-hinalang ang gobyerno lamang ang makagagawa nito at ang Islamic State o mas kilalang ISIS na gumagawa ng tinatawag na homemade chemical weapons.

5

Napakaraming mga sibilyan ang lumilisan na para sa kanilang kaligtasan tungo sa Lebanon, Jordan, Turkey at Europa.

6

Sa gitna ng nakagigimbal na mga pangyayari, sinusubukan ng United Nations (UN) na makahanap ng paraan upang mawakasan ang giyera. Isang pagtatangka ang Geneve Communique noong 2012/ Nakalulungkot, ngunit hindi matagumpay ang pagpupulong na ito.

7

Hanggang ngayon, wala pa ring kapayapaan sa bansa ng Syria. Nananatiling isang pangarap ang muling pagtugtog ng musika, ng matutunog na halakhak at pangungusap ng mga tao – isang pangarap na sana’t matupad balang araw.


“SI JUAN SA PAGSAPIT NG DAPITHAPON”

ni: Kenneth Cruz

1

Sa pagsapit ng dapithapon, dalangin ni Juan ang isang masaganang huli. Nakaukit na sa kanyang diwa ang ‘sang katutak na sariwang isda. Ngunit sa pagtaas ng lambat, wala siyang magawa kung hindi umuwing sawing-palad.

2

Sa pagsapit ng dapithapon, kumakalam na tiyan ang baon nila Juan at kanyang mga kaibigan, walang magawa kung hindi umasang may uwing pagkain ang kanilang mga magulang.

3

Sa pagsapit ng dapithapon, pinagkaitan man ng ibang pribilehiyo at pangangailangan, masaya pa ring nagsalu-salo sina Juan. Hirap man sa buhay, walang reklamo nilang pinagsikapan ang butil ng kanin sa bawat plato, sa tamang paraan at walang pag-aalipusta.

4

Sa pagsapit ng dapithapon, kinalimutang kayamanan ang hanap nila Juan. Kayamanang galing sa bundok ng basura na may kakayahang magbigay ng kaunting barya na bubusog sa kumakalam nilang sikmura.

5

Sa pagsapit ng dapithapon, tikas at sipag ang taglay ni Juan upang mabigyan ng makakakain ang kanyang mga kapatid. Musmos, ngunit may paninindigan.

6

Sa pagsapit ng dapithapon, problema ni inay ang kakaining hapunan nila Juan. Tila-bugtong sa kanyang isipan kung saan kukuha ng panlaman-tiyan.

7

Sa pagsapit ng dapithapon, hiniling ni Juan na lumigis ang paparating na bagyo, sapagkat hindi kakayanin ng mga haliging patpat ng kanilang “tahanan” ang bugso ng hangin.

8

Sa pagsapit ng dapithapon, nagtataka si Juan kung maibabalik pa ng kanyang mga luha ang kanyang amang nabiktima ng baluktot na hustisya. Luhang magiging simula ng buhay na pinagkaitan ng haligi ng tahanan.

9

Sa pagsapit ng dapithapon, hindi ininda nila Juan ang mahirap at masaklap na buhay, dahil kung minsan, ngiti ng kapwa ay nakabubusog na. Hindi lamang sa tiyan, ngunit pati na rin sa puso at diwa.

10

Sa pagsapit ng dapithapon, magbago sana ang pananaw mo, Juan. Pansinin mo ang ‘sangkapat mong kabahayang nasadlak sa kahirapan. Dahil pati na si Inangbayan ay hirap na sa bugtong ng kahapon at bukas.

11

Sa pagsapit ng dapithapon,

Tumayo ka JUAN at

Umaksyon para sa kasalukuyan.


“Nars – Ang Bagong Bayani”

ni: James Germino

1

Mga nangangalaga, nagpapasigla at kumakalinga; mga indibidwal na handing mangalaga sa mga may-sakit o napinsala. Nariyan ang mga doktor upang magpagaling, ngunit ang mga nars – sila ang nangangalaga sa mga pasyente hanggang sila’y gumaling ng lubos.

 2

Madalas sila’y gigising ng madaling araw, kung minsan ay hindi na nga nakakapaghinga. Isasakripisyo nila ang kaniilang tulog para lang masiguradong mahimbing ang tulog ng pasyente.

3

Pagdating sa trabaho, una nilang bibisitahin ang kanilang mga pasyente upang malaman ang kanilang nararamdaman. Sa pagtingin sa kanilang vital signs, malalaman ng mga nars kung maayos ba ng pakiramdam ng kanilang pasyente.

 4

Kanilang trabaho rin ang pag-asikaso nang mabuti sa mga papeles ng mga pasyente, upang masiguraduhang tama ang makukuhang impormasyon ng mga doktor at mapabuti ang kalusugan nila.

 5

Madalas na walang pahinga ang mga nars, walang tulog kaiisip sa kanilang pasyenteng maaring hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ang sanhi ng kaniyang sakit.

 6

Hindi lang bilang pasyente ang pagtrato ng mga nars sa kanila,  minsan din ay nagiging emosyonal, lalo na’t pag sila’y napalapit nang lubos. Sila ri’y nagiging pamilya sa pasyente, sa sobra nilang pag-aalaga at pagmamahal.

7

Lubhang mahalaga, matiisin, matiyaga at mapagmahal; kung ang doktor ang nagpapagaling sa sakit, ang mga nars ang nagpapabuti sa kirot at dalamhati na nararamdaman ng pasyente. Sila ang nagbibigay ng pagmamahal at malasakit sa mga may sakit.


“Pagkagat ng Dilim”

ni: Ian Marco

1

 Lungkot, takot, gulo at kawalang pag-asa. Mga ala-alang walang-tigil na bumabangungot sa tuwing maririnig ang “Yolanda.”

 2

Tatlong taon na ang nakakalipas bago ako dalawin ng bisitang di namin inimbita. Hindii ko malilimutan ang araw na sa isang iglap ay tuluyan ng nawala ang mga minamahal ko sa buhay.

3

Nobyembre 7, 2013 – sa pagkagat ng dilim, bumuhos ang ulan hanggang umapaw ang baha. Sinabayan ng kulog at kidlat ang lakas ng hangin habang tinatangay nito ang mga puno’t bubong ng mga dinadaanan.

 4

Lumipas na ang bagyo’t muling sumikat ang araw. Subalit nanatili parin ang gulo’t takot sa lugar. Kitang-kita ang mga nagkakalat na bangkay, giba-gibang bahay at pagluluksa ng mga tao.

5

Bagama’t nawalan na ng pag-asa ang mga tao, nakuha parin nilang maging matatag at bumangon sa kabila ng sakit at pagdurusa na narmdaman nila sa bagyo, patunay ng katatagan ng mga Pilipino.

 6

Di man naging maliwanag ang Pasko sa amin, ang importante naman ay nanatili kaming buhay. Nakuha parin naming maging matatag sa kabila ng katok ni Kamatayan at sapat na rason iyon upang maging maligaya sa madilim na pasko.


“UST: NOON AT NGAYON”

ni: Bryan Manabat

1

Sa ika-28 ng Abril ipagdiriwang ang ika-406 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng pinakamatandang unibersidad sa Asya, ang Unibersidad ng Santo Tomas.

2

Ang Unibersidad ng Santo Tomas ay naitatag noong Abril 28, 1611 sa pamumuno ng ikatlong Arsobispo ng Maynila na si Miguel de Benavides O.P. Sa pusod ng Maynila itinayo ang unang kampus ng Unibersidad; ito ay itinatag sa Intramuros, Maynila, at ang unang ipinangalan dito ay Colegio de Nuestra Del Santisimo Rosario.

3

Ang pagdami ng mga mag-aaral ang nagpasya sa administrasyon na ilipat ang kampus mula Intramuros, Maynila patungo sa Sampaloc, Maynila, ang kasalukuyang kampus ng Unibersidad. Kasabay na rin ay ang pagbomba noon sa Intramuros dahil sa rebolusyong sumiklab noong ikalawang digmaang pandaigdig.

4

Patuloy na naantala ang buhay akademiko ng mga mag-aaral nang gawing kampo ang main building upang paglasakan ng mga sibilyan noong ikalawang digmaang pandaigdig.

5

Sa 400 taon na pananatili ng unibersidad na ito, samu’t-saring mga bayani, president at iba’t-ibang personalidad ang ninubos ng UST, ilan sa mga ito ay sina Jose Rizal, Apolinario Mabini, Manuel L. Quezon, Sergio Osmena at iba pa. Ngayon, kinikilala bilang national treasure of the Philippines ang Main Building, Arch of the Centuries, Main Field at ang UST Chapel.


“Sa kabila ng hirap, may pangarap”

ni: Gillian Montalbo

1

Ang basura ay isa sa mga simbolo ng kahirapan sa ating bansa. Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pamilyang nasa ilalim ng poverty line, patuloy ring dumarami ang mga pamilyang kumakapit sa pangagalakal ng basura.

 2

Isa na rito ang pamilya ng batang si Junjun Macalinao. Sa kaniyang murang edad, natuto siyang maghanapbuhay upang makatulong sa kanyang pamilya. Sinisisid niya ang maruming sapa ng basura, burak at abo para lamang kumita ng perang pambili ng kanilang pagkain araw-araw.

3

Sa kanyang bawat pag-lusong, pinababaunan niya ang kanyang sarili ng tapang at tibay ng loob para matiis ang kahindik-hindik na dumi at amoy ng tubig. At sa tuwing ilulublob niya ang kanyang ulo sa ilalim ng sapa, isinasantabi na lamang niya ang takot at pandidiri, at isinasaisip ang pangarap niyang muling maitayo ang kanilang munting barung-barong matapos masunugan sa Malabon.

4

Ang pangarap na ito rin ang nagging dahilan kung bakit maging ang mga matatalas na bakal, bubong o anumang mapanganib na bagay ay hindi nakapipigil upang mangalakal siya ng basura.

5

At dahil wala ni isa sa pamilya ang nakapagtapos ng pag-aaral, dito na lamang sila humuhugot ng perang pinantutustos sa kanilang mga pangangailangan. Subalit paano nga kaya sila tuluyang makakaahon sa ganitong klase ng kahirapan? Hanggang kailan kaya sila magtitiis na manirahan sa tabi ng dagat ng basura?


 

“Mga Matang Mulat sa Buhay na Salat”

ni: Andrea Tancio

1

Sa isang lumang pantalan sa probinsiya ng Bataan, naninirahan ang mga kabataang maagang namulat sa realidad at hirap ng buhay.

 2

 Lagaslas ng tubig, ihip ng malakas na hangin, at mga bangkang naka-angkla ang nagsisilbing pook-laruan ng mga batang sabik sa karunungan.

3

Sa murang edad, hindi na lingid sa kanilang mga isipan ang bigat ng buhay na mayroon sila.

4

Gamit ang mga bubot na katawan, sinisikap ng mga musmos na maghanapbuhay kahit na sa mapanganib na paraan, magkalaman lamang ang kumakalam na sikmura.

5

Hindi man sambitin ng kanilang mga bibig sapat na ang mga titig at pintig ng puso upang maipabatid ang isinisigaw ng kanilang isip at damdamin.

6

Maaga mang nagising sa lupit ng realidad, hindi naman mawawala sa kanilang mga mata ang pag-asang makakawala sila sa pagkaka-angkla sa pantalang pumipigil sa kanilang maglayag sa karagtang tigib sa pangarap.


“Paggunita sa Semana Santa”

ni: Christal Bongalos

1

Tradisyon na sa bansa ang paggunita sa Semana Santa, sinisimulan ito sa linggo ng Palaspas kung saan ang mga tao ay magwawagayway ng kani-kanilang palaspas habang ito ay binabasbasan ng pari. Madalas ay isinasabit ang palaspas sa harap ng bahay o pintuan dahil ito ay pinaniniwalaang pantaboy ng masasamang espirito.

2

Tuwing Huwebes Santo, ang panahon ng pag-alala sa huling hapunan. Ito rin ang araw kung saan inaalala ang ginawang paghugas at paghalik Niya sa paa ng mga apostoles. Sinisimbolo ang pagmamahal at paglilingkod sa kapwa.

3

Ang pagkamatay ng Panginoon ay inaalala tuwing Biyernes Santo. Karaniwang pinapalabas sa mga telebisyon ang Siete Palabras, ang pag-alala sa mga huling salita at habilin ng Panginoon sa araw ng kanyang kamatayan. Hindi matatawaran ang pananampalataya ng mga Pilipino sa Diyos kung kaya’t  marami ang nagsasagawa ng kani-kanilang panata. Kabilang sa mga panatang ito ay ang pagpapako sa krus. Karamihan sa mga nagsasagawa nito ay itinuturing itong maliit na sakripisyo upang makapagsalamat sa Diyos.

4

Sa huling araw ay ipinagdiriwang ang pasko ng pagkabuhay ng Panginoon. Sinisimulan sa pamamagitan ng isang misa kung saan kabilang ang mga bata na nakasuot pang-anghel.

5

Likas sa mga Pilipino ang pagiging maka-Diyos kaya maging mga kabataan sa makabagong henerasyon ay nakikilahok at ipinagpapatuloy ang mga nakagawiang aktibidad sa pagsapit ng Semana Santa.

 

Leave a comment